Honey Huwag Muna! (at Apat na Rason Bakit Dapat Mag-Birth Spacing)


Sanaysay ni: Jaysee John Pingkian

Sex is good! 

Ito ay pinatutunayan ng statistics ng Population Commission ng ating gobyerno na nagkakarandarapa sa pag-merge sa mga LGUs, NGOs, at ibang ahensiya ng pamahalaan para masugpo ang nakakaalarmang pagtaas ng populasyon. 

Nangangahulugan ba ito na si Juan dela Cruz kung umibig ay kasintamis ng isang sweet drayber?

Kung isasaliksik, nagsimula ang population explosion sa paglaganap ng Industrial Revolution na kung saan ang naulat na 100 milyon ay dumoble, dala na rin ng kalagayan ng mga manggagawang may kakayahan na mangalaga ng malalaking pamilya noon.

The more the merrier? Tinatantiyang aabot sa sampung bilyon ang bilang natin pagsapit ng 2030. Ayon sa World Book, 1.6% kada taon ang itinataas ng bilang ng sangkatauhan. Agham mismo ang makapagsasabi na likas sa atin ang magkaroon ng sexual urges, kaya karamihan ng mga kababaihang nakapagtapos ng kolehiyo ay nagdadahilan na lang ng, “Motherhood is a noble profession, noh”

Hindi na kailangan maghintay ng ilang taon para masaksihan ang kasawian ng ating mga mamamayan dahil sa hindi tamang pag-agwat sa panganganak. Laman ng radio, ulat sa telebisyon, at kalat sa mga pahayagan ang mga napipilitang gumawa ng krimen dahil sa tawag ng pangangailangan. Animo’y kambal-tuko ng krimen ang karukhaan na hinding-hindi natin maihihiwalay.

Kung ‘pagmamanufacture’ ng bata ang pinaguusapan, naku, parang tayong mga Asyano na yata ang top notchers. Kung hindi man ito masisisi sa kultura natin ay dulot na rin ito ng kamangmangan natin sa birth control.

Kaya nga pinangangambahan ng mga eksperto na kung hindi na tayo maaawat ay hindi malayong magkakatotoo ang mga hula ng ekonomistang si Robert Malthus na mangingibabaw ang pagkagutom, giyera, miserableng buhay, malawakang polusyon, bisyo at krimen lang naman. Dagdag pa nga niya na ang paglaki ng populasyon ay ‘quadratic’ (algebraic equation na may highest exponent of 2) habang ang produksyon ng pagkain ay ‘linear.’ (1 ang highest exponent).

Sa isang mundong makabago, mahal ang mabuhay. Kaya’t pati ang edukasyon ay tinuturing nang isang pribilehiyo. Kaya siguro kahit anong libre ay patok sa masa, na tila isang oportunidad na dumarating once in a blue moon. Pero bakit patuloy ang pagdami ng mga sanggol na ipinapanganak oras-oras?

HINDI sinabi ng Diyos na as many as you can ng sinabi niya ang “Go forth and multiply.” Ipinahihiwatig ng kataga Niya na hindi tayo basta-basta nagluluwal. Kaya nga tutol ang Simbahang Katoliko sa plano ng DepEd na isali ang Sex Education sa Secondary Education Curriculum dahil ito ay nakatuon sa kung paano pagkontrol sa panganganak at hindi sa moral convictions ng Pre-Marital Sex. Mula dito, isinilang ang solusyong tinatawag na ‘responsableng pagpapamilya.’

May mga taong nililimitahan ang panganganak dahil sa kalusugan, para makapagtrabaho ng full-time, makapag-alaga sa bawat bata nang maayos, o dahil sa ipinaglalaban ito ng kanilang gobyerno. Isa lang ang nakakasiguro, ang tamang agwat ng panganganak ay makatutulong hindi lang sa Pamilyang Pinoy kundi pati na sa pag-usbong ng isang bansa.

“Para ano pa ang spacing kung nagmamahalan kami?” Hindi garantiya ang pag-ibig sa inaasam-asam na kinabukasan. Maaaring itanong ito ng ilan pero bibigyan ko kayo ng apat na rason kung bakit ikaaangat ito ng bansa at ng mag-anak ninyo:

Una, maaaring ikapeligro ng isang ina ang sunod-sunod na panganganak. Samakatuwid, ang malusog na ina ay malusog kung mamunga. Kabisado pa nga ng kababaihan kung gaano kaselan ang reproductive system nila.

Pangalawa, ang oras ay mahalaga lalo na sa pagpapalaki ng bata. Kung may tamang spacing mas maigugugol mo ang panahon mo sa paghubog sa kanila. May oras makapagtrabaho, para mapangalagaan ang sarili, at para sa pamilya. Kung gayon, mas malaki ang posibilidad na makapagpapalaki tayo ng isang mahabaging mamamayan, malusog, maka-Diyos o di kaya’y isang matalinong anak. Apelyido kasi ng isang magulang ang kanyang mga responsibilidad.

Pangatlo, praktikal ang magkaroon ng maliit na pamilya dahil, kung sa Math, directly proportional ang kinikita mo sa pangangailangan nila. Nakadadagdag din sa demand ng mga pangunahing bilihin ang pagtaas ng populasyon, kaya kung gusto natin na manatiling stable ang presyo ay dapat kumalma naman tayo sa pagroromansa kung minsan. Isipin mo nalang ito na isang uri ng pagtitipid dahil kung pagbabatayan ang Law of Demand, ‘price increases when demand increases.’

Panghuli, ang tamang pagpapagitan ng mga anak ang tanging paraan para maiwasan natin ang nangyayari sa Japan at Eastern Europe na kung saan, out of desperation, ipinatupad ang legalisasyon ng karumal-dumal na pagpapalaglag. Nakakalungkot man isipin na sa ibang parte ng mundo ay may mga di-makatarungan na tinatawag nilang “solusyon.” Gayunman, wala tayong magagawa dahil sino ba naman tayo kundi mga maliliit na tinig lamang. Huwag nating hayaan ang ipinagmamalaking Cradle of Christianity ay maging Cradle of Unborn Children.

Masikip na ang mundo kaya huwag nating ituring ang ating sarili na parang Queen Ant na batalyon ang iniluluwal; at hindi rin tayo mga aso na game na game kahit saan, kahit kailan. Having few children doesn’t even make you less of a man. Walang dahilan para hindi natin disiplinahin ang sarili. Aalahanin natin ang apat na rason kung bakit dapat may tamang pagkakasunod-sunod ng anak; ito ang iregalo mo sa bayan ngayon pa’t kapapasko lang.

Sa susunod na ngingiti-ngiti si mister ay hindi ka mag-aatubiling sumigaw na “Honey, huwag muna!”

photo by: johnsto

This is an essay written on my last year of High School at St. Louis College, Mandaue City.

Comments

Popular posts from this blog

Lighting a Dark Society: Rizal's Brindis Speech Reaction

My Ultimate Sinulog Experience and Different Reflections

New Beginnings: The Best of Cebuano Artistry